Hugot

Nais kong magbalik tanaw sa ating nakaraan.

Natatandaan mo pa ba ang araw noong una mo akong nakita? Napakatamis ng ngiti sa iyong mga labi. Tuwang-tuwa ka sa unang pagkakataon na dumampi ang iyong mga kamay sa akin. Binigyan mo ako ng isang mabilis na halik at hindi na pinakawalan sa iyong pagkakahawak. Buong puso mo akong ipinagyabang sa iyong mga kaibigan, sa mga taong nakapaligid sa iyo. Bumulong ka sa akin at sinabing “Iingatan kita palagi, ayokong mawala ka sa akin. Hindi kita pababayaan.” Mga salitang aking pinagkatiwalaan.

Sinimulan mo akong igiya ayon sa iyong pangangailangan. Kasama mo ako habang isinasalaysay mo ang istorya ng iyong buhay. Habang isinasatitik mo ang iyong emosyon, ang iyong kalungkutan, ang iyong tagumpay, ang iyong ligaya. Namasdan ko ang iyong pagtangis, naramdaman ko ang iyong galit. May mga pagkakataon na ako ang sinisisi mo kapag nakagawa ka ng pag kakamali. Pero ginagawa ko naman ang lahat para mabura iyon at makalimutan mo ang nangyari. Habang tumatagal ako sa piling mo, nararamdaman ko na ang unti-unti mong pagbabago. Hindi na katulad dati ang pag-iingat mo sa akin, pinapabayaan mo nalang akong
mag-isa. May mga pagkakataon na mas gusto mo pang iba ang iyong kasama pero ayos lang iyon sa akin, kasi sabi mo hindi mo ako pababayaan ‘di ba? Siguro natural lang naman na gusto mong medyo maiba naman ang mga nakapaligid sa iyo. Nauunawaan ko naman iyon. Nandito lang ako laging naghihintay sayo. Binibigyan mo pa rin naman ako kahit kaunting atensyon. Habang lumilipas ang araw, unti-unti na rin akong nagbabago. Hindi na ako kasing ganda nung una mo akong makita. Paikli na rin ng paikli ang oras na kaya kong ibigay sayo. Hindi dahil ginusto ko iyong mangyari, subalit wala akong lakas para sabihin sayong napapagod rin ako. Unti-unti rin akong nauubos. Unti-unti na akong nawawala.

Ano na ang mangyayari sa akin kapag napansin mong iyon na pala ang huling beses na pwede mo akong makasama?
Iiwanan mo nalang ba talaga ako? Isasantabi nalang at kakalimutan? Tuluyan mo na lang ba akong pababayaan?

Natatakot ako sa maaaring mangyari pero heto pa rin ako, nag aantay kung kailan mo ako muling bibigyan ng pansin katulad ng araw na una mo akong makita. Nag-aasam na muling maramdaman ang pagdampi ng iyong kamay at muling marinig ang mga salitang “Ayokong mawala ka sa akin.”

Alam ko na darating ang panahon na kailangan kong magpa-alam sayo… hindi dahil sa ginusto ko. Pero uulitin at uulitin ko ang mga salitang ito.

Wala akong lakas para pigilan ka.
Wala akong lakas para kumawala.
Walang wala.
Wala kundi ang magparaya.

Sa pagdating ng araw na kailangan ko ng lumisan, maalala mo sana ang ating nakaraan. Ang kada salitang iyong isinatitik, ang mga pagkakamaling pilit nating binura at itinama.

Sana huwag mong kalimutan ang ating alaala… sa iyong huling pagtatasa sa akin.

-Ang Lapis

12/4/15

4:16am

Hugot